Office Address3/F BOC Bldg., City Government Complex, Maysilo Circle, Barangay Plainview, Mandaluyong City

Sino nga ba si Regie Antiojo?

Hindi sumagi sa isipan ni Regie na pumasok sa politika sa Mandaluyong hanggang sa natanto niya na hindi pala sapat ang katapatan ng puso na makatulong sa kapwa.

Kinakailangan din pala magkaroon ng tamang impluwensya para mas mapalawak, mas mapadali, at tuloy-tuloy ang pasok ng tulong na ibababa sa mga Mandaleño.

Si Reginald Santos Antiojo, na mas kilala sa pangalang Regie, ay ipinanganak noong ika-11 ng Hulyo 1973 sa Mandaluyong. Siya ay bunso sa pitong (7) magkakapatid na sina: Kuya Boyit, Kuya Toti, Kuya Boy, Ate Beverly (na asawa ng isang mataas na ministro sa simbahan ng Iglesia ni Cristo na si Ka Macleo Ibasco), Kuya Hill na nakabase sa Dubai, at Ate Bernadine na nasa Vienna, Austria.

Ang ama ni Regie na si Jose “Peping” Reyes Antiojo, bagama’t ang ninuno nito’y matatagpuan sa Naic, Cavite, ay ipinanganak sa Mandaluyong. Kung kaya’t hindi maitatanto na ang angkan ng mga Reyes-Antiojo ay makikita sa Distrito 1 ng lungsod.

Nung nagretiro si Peping mula sa US Coast Guard noong taong 1971, siya’y inatasan na maging isang opisyal ng pulisya sa Mandaluyong mula 1971 hanggang 1996.

Ang ina naman ni Regie na si Violeta Eugenio Santos-Antiojo, ay laking Mandaluyong, kung saan ang angkan nito ay nangugat na dito sa lungsod na ito. Ito ay ang mga Santos, Victorino, Cruz, at Eugenio ng Distrito 2.

Si Regie ay may walong (8) anak na sina: Zharmayne Regina, 30; Cedric Reginald, 28; Zarah Josephine, 21; Jasper Earlan, 26; Jayne Eunice, 24; Justine Earl, 22; Jose Benito, 20; at, Regine Elyse, 6 na bagama’t may down syndrome, ay isang malaking inspirasyon ni Regie sa kanyang mga adbokasiya na tumulong sa mga dehadong mamamayan ng Mandaluyong.

Ang asawa ni Regie na si Linda Lim-Tin Hay ay lahing Chinese. Bagama’t lahing Chinese ang ama ni Linda na si Benito Sy Tin Hay, na mas kilala sa pangalang Ato, ay ipinanganak siya sa Pasig at lumaki sa Mandaluyong. Matalik na kaibigan siya nung yumaong dating Konsehal ng Distrito 2, Cesar Bartolome na ama naman ng dating Bise Mayor ng Mandaluyong na si Edward Bartolome.

Si Ato ay nagmamay-ari ng isang hardware sa Mandaluyong habang siya’y isang Business and Sales Development Manager ng Robton Industries, Inc. na isang kilalang pagawaan ng plastik sa Pilipinas.

Nakapag-asawa si Ato ng isang kapwa niya Chinese na tubong Mandaluyong din na si Lucy Lim-Tin Hay. Ang pamilyang Lim naman ay minsa’y nagmamay-ari ng isang sikat na wholesale grocery sa may Kalentong.

Si Regie ay malapit na sa kanyang biyenang-lalaki nuon pa man bago sila nag-asawa ni Linda. Ang turingan nila ay para silang mag-ama na may iisang pangarap —ang makatulong ng lubusan sa kapwa nila Mandaleño.

Ang ugat ni Regie sa Mandaluyong ay malalim. Ang bakas nito ay mula pa nung panahon ng mga Hapon kung saan ang Lolo niya sa kanyang ina ay naging Teniente del Barrio o Barangay Kapitan sa kapanahunan natin, sa buong Barangka nang minsa’y iisa pa lang ito na barangay. Ngayon, ang Barangka ay pinagbiyak sa apat na barangay: Barangka Ibaba (kung saan si Carlos Santos a.k.a. “Putol”, na isang kamag-anak din, ay minsa’y naging Numero 1 na Kagawad), Barangka Drive, Barangka Itaas, at Barangka Ilaya.

Nakapagtapos si Regie ng kanyang elementarya sa Bonifacio Javier Elementary School at nakapag-aral sa Jose Rizal College at Samson Institute of Technology sa Mandaluyong. Nakapag-training din siya sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Bagama’t hindi nakapagtapos ng kolehiyo si Regie, siya nama’y ganap na negosyante. Si Regie ay isang franchisee at accredited contractor ng David’s Salon mula noong 2000. Ngayon, may mga 25 na David Salon branches na siyang naitayo sa iba’t ibang dako ng bansa.

Bilang Direktor at Public Relations Manager ng Farmacia mula noong 2003, tinitiyak ni Regie na ito ay sumusunod sa mga alituntunin ng pharmacy practices na inilalaad ng mga ordinansya ng LGU at ng mga batas patungkol sa national drug distribution. Siya rin ang inatasan na magpalago ng mga produkto at serbisyo ng Farmacia, kung kaya’t madalas siyang naiimbitahang magsalita sa mga iba’t ibang konperensya at kaganapan.

Si Regie ay nagmamay-ari ng ‘RSA Carworx’ na binuksan niya noong 2004 sa Barangay New Zaniga.

Siya din ay ang Administrator at Project Manager ng ‘Homecourt Enterprises’ mula noong 2010. Dito itinitiyak niya na ang mga itinatayo ng kumpanyang ito gaya ng mga convertible indoor basketball courts at function halls ay maayos at matatag.  Sa kabilang dako naman, siya ay isang basketball enthusiast kung kaya’t siya ay naging sikat na supporter ng mga linggohang basketball games sa Mandaluyong gaya ng mga pinangungunahan ng Sunday Basketball Club.

Si Regie ay naging Corporate Secretary at Project Manager ng ‘Homecourt Prime Development, Inc.’ mula noon 2015. Dito, pinangungunahan niya ang pagpapatayo ng mga superstructures gaya ng mga arena at mga construction projects na pang-residential, commercial, at land development.

Noong 2019, si Regie ay naging isang franchisee ng 7-Eleven Philippines at mula din noon siya na ang naging contractor nito.

Noong Hunyo 2019, inilunsad ni Regie ang ‘Elyse Fire Rescue Volunteers and Communication’ (EFRVC) na ngayo’y kinikilalang isa sa pinaka-mabilis magresponde sa mga sunog, hindi lamang sa Mandaluyong, kundi sa iba’t ibang parte ng Metro Manila. Ang EFRVC ay aktibo rin sa mga iba’t ibang fundraising campaigns at outreach programs.  Sa katunayan, ang EFRVC ay nangungunang magresponde nung kasagsagan ng pandemya, kung saan ito ay nagrarasyon ng mga pagkain at kung anu-ano pang mga pangangailangan sa mga nasa laylayan ng lipunan ng Mandaluyong.

Maalam si Regie sa project management, long-term strategic planning, leadership capabilities, at organization development. Maliban sa Pilipino at Ingles, marunong din siya ng salitang Fookien.

RESPONDE MULA SA PUSO

Isang pangarap nila ay makatayo sila ng isang Volunteer Fire Brigade sa Mandaluyong. Nabuo itong Fire Brigade na ito nitong 2019. Ngayon, ang Fire Brigade na ito ay may sariling fire engine, isang mini tanker, isang pumper, at dalawang (2) bagong-bagong mga fire truck —lahat ng mga ito ay binuno ni Regie at ng kaniyang asawa na si Linda Lim-Tinhay mula sa sarili nilang bulsa.

SERBISYO PARA SA TAO

Ang ‘Urban School for Children’ (USC) na isang progresibong pre-school sa Barangay Addition Hills, ay itinatag ni Regie noong 2020. Siya ay isang founding shareholder dito.

Sa ‘Circle of Hope Foundation’ na itinatag noong 2017, si Regie ay naging Chairman. Ito ay isang outreach program para sa mga bata at teenagers na may cancer. Ito ay pinamamahalaan ng mga medical professionals mula UP at Ateneo.

Naging taunang kaugalian naman ng pamilyang Tin Hay-Antiojo ang medikal misyon sa Mandaluyong simula nang binuksan nila ang kanilang botikang ‘Farmacia Boni, Inc.’ sa San Jose, Mandaluyong noong 2002.

Noong 2019, binuo rin ni Regie ang ‘Thera Health Multi-Therapy Center, Inc.’ na matatagpuan sa Barangay Plainview. Kung saan siya ay principal shareholder nito.

AKSYON NA WALANG KAPALIT

Wala man sa posisyon si REGIE ANTIOJO ay rumeresponde na para sa kaniyang mga kababayan. Isang patunay ang pag-buo niya ng ELYSE.

Ang ‘Elyse Fire Rescue Volunteers and Communication’ (EFRVC) na ngayo’y kinikilalang isa sa pinaka-mabilis magresponde sa mga sunog, hindi lamang sa Mandaluyong, kundi sa iba’t ibang parte ng Metro Manila.

Ang EFRVC ay aktibo rin sa mga iba’t ibang fundraising campaigns at outreach programs gaya nalang ng responde nung kasagsagan ng pandemya, kung saan ito ay nagrarasyon ng mga pagkain at kung anu-ano pang mga pangangailangan lipunan ng Mandaluyong.